Mga Pananaw sa Pagpanaw ni Mylene

Lahat tayo ay namamatay. Isa ito sa mga katotohanang agad nating nalalaman habang tayo'y nabubuhay sa mundong ibabaw lalung-lalo na sa buwan ng Nobyembre. Hindi ako madalas na nagsusulat sa blog na ito ng mga personal na bagay nguni't hayaan n'yo akong ibahagi ang buhay ni Mylene D. Gonzales.

Si Baby Mylene ay kinupkop at inalagaan sa aming pamamahay simula noong walong buwan pa lang siya. Siya ang anak ng aking Tito na dahil sa, sabihin na lang natin na kulang sa kakayanang mapunan ang pangangailangan ng bata, ay inampon ng aking mga magulang sa South Cotabato. Siya ay anak sa labas ng kapwang mga magulang n'ya.
Si Baby Mylene: Madaldal at makulit.
Nakakatuwa ang bibong bata na ito. Sa edad na 2 ay naturuan siya ng mama ko na magsaulo ng mga salitang Filipino at ang kaukulang translation nito sa English at vice versa. Kunwari, kapag tinanong mo siya kung ano ang Ingles ng "kamatis", sasagutin ka n'ya agad ng "tomato", at iba pa - ayon sa notebook na kung saan nailista ang kanyang mga namemoryang mga salita, aabot ito ng halos 200 na bokabularyo. Habang lumalaki siya, dahil sa pagkahilig sa panonood ng TV, ay madalas umaarte ng impromptu; ala-Ryzza Mae.

Siya ang nagsilbing bunso at naging anak-anakan ng nagkakaedad ko nang mga magulang. Dahil sa lahat kaming mga anak ay humayo na at nagkaroon na ng sari-sariling buhay sa iba't-ibang lugar; si Mylene ay itinuring na tunay na anak ng aking mga magulang. Kung kami nga ay hindi hinahatid sa eskwela; si Mylene ay hinahatid-sundo ng kanyang Papa Jessie sa school.

Siya ay pinag-aral ng kindergarten hanggang sa tumuntong siya ng First Grade sa Tupi, South Cotabato. Bibong-bigo si Mylene; hindi man siya honor student sa klase, siya ang tipong umiikot at daldal nang daldal sa klase. Lubos siyang mapagkaibigan. Ang tukso namin sa kanya ay "Big Eyes" dahil sa prominente niyang mga mata.
Mylene: Big Eyes. :)
Medyo nahihirapan din siya sa Math gaya ko; kung kaya't tuwing nakakauwi ako ng probinsya ay tinuturuan ko siya ng arithmetic. Ang huli kong naituro sa kanya ang pag-a-add ng double digits. Nagsusumikap naman siyang matuto. Ako at ang Ate Nini ko ang mga tutors n'ya sa tuwing nakakabakasyon kami sa Tupi. Siya ay sweet sa amin at paminsan-minsan ay magugulat ka na lang na nakayapos na siya sa iyo. Nasabi nga ng mama ko na ang batang ito ay hindi mahirap mahalin. Si Mylene din ang naging inspirasyon ko nang nakaranas siya ng pambu-bully mula sa kanyang kindergarten classmate dati kung saan nanalo ako sa isang international essay competition na iyon.

Tumagal si Mylene ng ilang taon sa amin nguni't noong kalagitnaan ng taong ito ay doon siya ipinatira sa isa pang kamag-anak namin dahil sa pagiging sobrang kulit at pasaway ni Mylene. Pagkaraan ng ilang buwan, 'di yata matiis at sa pag-aalala ng kalagayan n'ya, siya ay kinuhang muli at ipinatira sa amin. Medyo mahina kasi ang resistensya ng bata at medyo masakitin.

Malamang nag-ugat ito noong maliit pa siya, mga nasa 3 o 4 na taon siya noong naitulak siya ng kapwa bata sa loob ng simbahan. Tumama ang kanyang noo sa semento at pagkaraan ng ilang minuto ay sumuka siya. Simula noon, dahil din sa pagiging lampa niya ay hindi n'ya naaalalayan ang kanyang mga pagbagsak kung kaya't madalas ay nagkakabukol siya.
Mga munting ligaya ni Mylene: mga class fieldtrip... at ice cream.
Ika-tatlo ng Nobyembre, dumating ang araw na kinatatakutan ng pamilya; habang naglalaro ang mga Grade 1 students noong lunchbreak, bigla niyang niyakap ang isang dating classmate at halos ayaw n'yang pakawalan. Dahil sa ayaw sa kanyang ginawa ay naitulak siya ng kanyang dating kaklase. Aksidenteng tumama ang kanyang ulo sa shoulder ng fishpond - at siya ay nagsuka.

Dahil sa aksidente, sumama ang ina ng classmate ni Mylene sa ospital upang matingnan ang bata. Hindi kailanman pwedeng sisihin ang pagtulak sa kay Mylene dahil rin nga sa instinctive reaction ng isang bata kapag biglang itong nayapos at ayaw pakawalan.
Si Mylene; malalim yata ang iniisip.
Nagkaroon ng matinding lagnat ang bata hanggang sa siya ay isinugod sa provincial hospital upang mas lalong masuri. Masyadong malawak ang nagpagkabagok o ng traumatic brain injury sa kanya kung kaya't pagkatapos ng anim na araw - bumigay na ang kanyang mahinang katawan. Pumanaw siya eksaktong isang linggo ang nakakaraan sa ganap na alas-8 ng umaga.

Nalaman ko ang balita nang tinawagan ako ni Mama. Ako man ay 'di halos makapaniwala sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Masyado pang bata si Mylene at mayroon pa siyang kaabang-abang na kinabukasan. Naluha ako sa nangyari nang ang lahat ay nag-sink-in na.

Subali't ito ang katotohanan sa mundo; kung pwede lang sana ay mapahaba natin ang buhay ng ating mga minamahal. Pero hindi ito posible.

Ang kamatayan ng ating minamahal ang nagbibigay sa atin ng pagkakataong magnilay-nilay sa limitasyon ng ating mortalidad. Kamatayan ang palaging nagpapaalala sa atin ng isa pang buhay maliban sa kung ano ang mayron sa mundong ibabaw.
Mylene D. Gonzales (May 7, 2007 - November 9, 2014)
Paalam, Mylene. Miss ka na namin. Salamat sa maikli mong buhay at napasaya mo kami sa maraming paraan. Hindi ka na tatanda pa upang maranasan ang marami pang paghihirap dito.

Enjoy ka lang dyan ha. maglaro ka na lang sa mga ulap.
Mahal na mahal ka namin.

Comments