Eh Ano Ngayon Kung 'Bisaya'?

Agosto na naman, ang buwan kung kailan ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Ang ating taunang selebrasyon na naglalayong mabigyan ng pagpupugay at pagkilala ang Pambansang Wika sa araw-araw nating pamumuhay, maging sa eskwela man o sa trabaho.

Panahon pa ng Commonwealth nang nilagdaan ng dating Pangulong Quezon ang pagtatalaga sa estandardisadong wikang Tagalog bilang Wikang Pambansa matapos ang isang malawakang linggwistikong pagsusuri. Sinasabing maraming rason ang ikinonsidera sa pagpili sa wika ng mga taga-Central at Timog Luzon: na ang wikang Tagalog ay madaling maintindihan, na ito ang lingua franca ng Maynila, na mayaman ang panitikan at balarila nito; at marami pang iba. Hindi ako eksperto sa wikang Filipino pero naniniwala akong rasonable ito - kailangan ng ating bagitong demokrasya ang isang unipikadong wika na magbubuklod sa 100 milyong Pilipinong nakakalat sa 7,107 na mga isla ng ating arkipelago.
The author inside President Quezon's executive office in the Malacañang Palace.

Isinilang ako sa Isla ng Mindanao sa mga migranteng ninuno: ang aking maternal grandfather ay nagmula sa La Union (sa Luzon), samantalang ang aking paternal grandfather naman ay mula saIloilo (sa Visayas). At dahil sa ang malaking bahagi ng "Lupang Pangako" ay tahanan ng libu-libong mamamayang hindi laking-Mindanao, isang dayalekto ng Tagalog na likas sa Cotabato provinces at mga karatig na probinsya ang naging mother tongue ko. Ang kinamulatan kong lenggwahe ay hybrid; 'yung tipong Tagalog na may syntax at grammar ng Bisaya and vice-versa.

Malamang dahil dito, naging madali para sa aking matuto at humanga sa kagandahan ng sari-saring punto at salita sa probinsya ko ng South Cotabato. Halimbawa, ang salitang "husay" na ang ibig sabihin ay"galing (skill)" sa Tagalog, ay isang pandiwa naman sa wikang Cebuano na nangangahulugang "ayusin (to settle)". 'Pag naging mabilis naman ang pagkakabigkas, ang "husáy"ay "suklay" (comb) naman sa wikang Hiligaynon.

Ang Baybaying Bisaya.
Ang parehong diversity na ito ay na-obserbahan ko rin nang ako na'y umpisang tumira sa Maynila simula noong nakaraang taon. Iba't-ibang saltik ng dila at sari-saring Pinoy mula sa iba't-ibang panig ng bansa ang nandito sa lungsod na itinuturing na sentro ng kalakalan at oportunidad. Ngunit sa isang banda, nakita ko rin ang disparidad at diskriminasyon laban sa mga probinsyano - lalung-lalo na tungo sa mga Bisaya.

Ano ang ibig ko'ng sabihin? Dito sa lungsod ako nakakarinig ng mga panunukso sa mga taong may punto kapag nagsalita. At dahil sa malamang ang pinakaprominenteng punto ay ang sa mga Bisaya, madalas silang nagiging tampulan ng tukso. Dahil kadalasan, puro "i" at "u" lang ang nabibigkas na patinig, madalas na napapasabi ang mga taga-lungsod ng: "Ay, Bisaya!". Hindi pa nga ako nakakarinig ng pangangantyaw na: "Ay, Tagalog!". Bihirang-bihira rin kung mapagdiskitahan ang ibang punto katulad ng sa Kapampangan o Ilokano.

Ayon sa kasaysayan ng Kabisayaan, sinasabing ang terminolohiyang "Bisaya"ay nanggaling sa "Sri Vijaya", na ang literal na kahulugan ay "kumikinang na tagumpay" sa wikang Sanskrit. Ito ang pangalan ng isang malawak na imperyo ng mga Indones ilang daang taon ang nakaraan bago pa man dumating si Magellan sa Cebu. Ayon kay H. Otley Beyer na isang antropologo, ang terminolohiyang ito ay unang ginamit sa mga taong nakatira sa Isla ng Panay. Kalaunan ay ginamit na rin ito sa pagtukoy sa lahat ng mga tao sa Island group ng Visayas at sa ilang parte ng Mindanao.Kabilang sa mga kilalang Bisaya ay ang ating “Pambansang Kamao” na si Manny Pacquiao at ang tatlong naging pangulo ng bansa: sina Pangulong Manuel Roxas, Sergio Osmeña, at Carlos Garcia.
Ram Mallari's "Heart of Steel" displayed at Resorts World Manila. [JLG]

Isang miskonsepsyon na iisang wika lang ang Wikang Bisaya - malamang ang tinutukoy nila ay "Cebuano". Ang mga Bisaya ay nagsasalita ng magkakaibang lenggwahe na nagsisilbing daan ng pakikipagtalastasan sa walong rehiyon sa bansa - higit na malawak ang sakop ng wikang ito kumpara sa iba.

Ayon sa website na Ethnologue, ang mga wikang Bisaya o Binisaya ay binubuo ng mahigit-kumulang 25 na lenggwahe na pinangungunahan ng wikang Cebuano (kasali na ang mga dayalekto nito, ay may 20 milyong tagapagsalita), ang wikang Hiligaynon (na may pitong milyong tagapagsalita), at ang wikang Waray (na may tatlong milyong tagapagsalita). Ayon sa nasabing website, kinse porsyento (15%) ng mga Manileño ang nagsasalita ng mga wikang Bisaya. At kung papaano na ang isang pangngalang tumutukoy sa isang lipon ng mga taga-Visayas ay napalitan ng isang derogatory na pang-uri; 'yan ang hindi ko alam.

Ngunit isa na malamang sa pwedeng sisihin sa uri ng panglalapastangan na ito ay ang lunduyan ng impormasyon - ating media. Mula sa takilya o sa iba pang popular na media, 'pag may puntong Bisaya ang nagsasalita; parang itong joke on itself. Ang mga eksenang ganito ang napapanood natin sa mga sitcom, sa mga pelikula, sa mga comedy bar, at maging sa mga meme sa Internet. Paano kasi, ina-a-associate natin ito sa partikular na trabahoo antas sa sosyodad; na 'pag Bisaya ayautomatiko nang "barok" o "bakya" na agad. Napapatanong tuloy ako: Dahil ba ang tinuturing na lingua franca ay standardisadong Tagalog ng Maynila kung kaya't naitanim na sa ating kamalayan na tanging ito lamang ang wikang superyor sa lahat?

Hindi ba't nagkakaisa tayong mga Pinoy sa pagbabatikos tuwing ang lahing Pilipino ay niyuyurak ng mga dayuhan? Tulad ng mga racist na kumento sa Internet, mga discriminatory remarks sa mga international TV shows, o sa mga slur na ipinukol ng mga taga-Hongkong nang dumayo ang Azkals doon noong isang taon? Hindi ba't ayaw din nating minamaliit ng mga dayuhan ang salitang "Pilipino"? At ang ating pagka-Pilipino?

Sinasabing ang wika ay parte ng pagkakakilanlan ng isang tao. Kabuhol nito ang kultura at tradisyon ng isang pangkat. Sa isang bansang binubuo ng sari-saring lenggwahe, artikulasyon, at tribo, hindi ba't mas mainam na tingnan natin ang mga bagay na nagbubuklod sa atin bilang isang bansa - at hindi ang ating pagkakaiba? Marapat nating ipagbunyi at huwag ikahiya ang ating mga identidad dahil tayo ay nasasailalim sa iisang bandera.


Ang pagtuligsa sa wika at pagkatao ng ating kapwa ay hindi lamang sakop ng isang masalimuot na isyu ng political correctness, ito ay simpleng isyu ng paggalang, pagtanggap, at pagrespeto. Karapatan ng bawa't isa na maging tanggap; at hindi na kailangan pang ibaluktot ang dila upangmapabilang sa lipunan. Kung hindi natin magawang respetuhin ang bawa't isa, paano natin maaabot ang tunay na diwa ng pagkakabigkis bilang isang nasyon?

Wala ni isang tribo o wika ang nakakalamang; lahat tayo ay may punto. Lahat ng wika ay magkapantay sa pagdiriwang natin ngayong buwan ng Agosto. At kapag lubos na nating nakilala ang tunay na pagkatao ng ating kapwa; doon lamang tayo maaaring makapanghusga. Mapa-puntong Ilonggo, puntong Maranao, o puntong Kapampangan man - mga punto lang 'yan. Kailanman hindi ito batayan ng kahusayan, pag-uugali, o kabutihan.


Photo Credits:
http://zoel-al-maas.blogspot.com/2011/10/tongue-twister.html
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj9ctl2b9qv_0_Vs-Wtwvoeoru7AvSXaOYBmh-QRbDtbphtpNqI1jTIfToiY7Yn51K9yjnLdZJgl6Vhq6Exe8kYDDXdd35y_CfWFY98aK1OE9GqxTavgJLmlgBXbCS5B-MokIg74pFfc1oB/s1600/philippine-flag-pride.jpg
http://37.media.tumblr.com/tumblr_m3fzauJ0Yk1qjl89ko1_500.jpg

http://fc05.deviantart.net/fs70/i/2011/187/6/7/suwat_bisaya___visayan_script_by_plus24seven-d3l81kn.jpg

Comments