Isang Kritikal na Pagsusuri: Ang Wikang Ingles bilang Medium of Instruction


Sa marami nang pagkakataon napatunayan ko na mahusay tayong mga Pinoy pagdating sa Inglesan. Ang mga Arabo, mga Europeo, maging sa mga karatig-bansa natin sa Asya ay ‘di mapigilan ang paghanga sa ating intelihibilidad. Lubos ang aking paghanga sa ating kakayahan na makipagtalastasan sa mga dayuhan gamit ang Ingles na para bang naging natural at walang kahirap-hirap na sa atin ang pagsambit ng mga katagang ‘di likas sa atin.
Mahusay na nga ba tayong mag-Ingles?

Napakapartikular pa nga natin sa pagsasalita ng Ingles na kadalasan, kinukutya at pinupuna natin ang isang tao kapag hindi tama ang grammar o ang pronunciation niya. Naalala ko tuloy ang isang guro ko sa high school. Tuwing bibigkasin niya ang salitang “paper” humahalakhak ng palihim ang klase dahil sa kanyang pronunciation na “peeper”. ‘Di ko matanto kung bakit manghang-mangha tayo sa mga mahuhusay mag-Ingles at ang hindi naman ay tinatawag nating “bobo”. Kapag kasi mas mala-Amerikano kung magsalita, mas “in”. Siya ay “sosyal” at sophisticated kapag “slang” ang kanyang pagsasalita. Totoo ngang nakapugal na ang wikang Ingles sa ating kultura.

Bakit nga naman ‘di natin magugustuhan ang Ingles? Sa loob ng limampung taon, nagawa ng Amerikano ang kailanman ‘di nagawa ng mga Espanyol sa loob ng tatlong daan at tatlumpu’t tatlong taon na pananakop ng Pilipinas – ang magawang baguhin ang pananaw ng mga Pilipino at matanggap nang may pagmamahal sa kanilang mga amo. ‘Di tulad ng istratehiya ng Espanya gamit ang Katolisismo, pampublikong edukasyon ang naging susi ng mga Kano upang tayo’y masakop nila.

Maliban sa kapansin-pansin na pagtaas ng ating ekonomiya sa buong Asya, sinasabi ng Human Development Report na ang kakayahan ng isang Pilipino at Amerikano sa paaralan noon 1920 ay hindi magkalayo. Ito ay marahil sa, ang mga guro noong panahon sa Pilipinas ay ang mga Amerikanong Thomasites kung kaya’t mas madaling naipasa sa atin ang kanilang pamamaraan at pamumuhay. Kaya rin siguro magaling mag-Ingles ang ating mga lolo – mga English native speakers kasi ang kanilang mga guro.

Hindi ako tutol sa pagsasalita ng Ingles maging sa paghayag dito bilang medium of instruction (kaalinsabay ng Filipino). Dapat nga namang linangin ang kakayahan natin sa pagsulat at pagsasalita ng Ingles dahil sa globalisasyon. Kung iisipin, nang dahil sa kaalaman natin sa Ingles, naglipana ang mga foreign companies at call centers. Dinadayo pa nga tayo ng mga banyaga katulad ng mga Koreano para lamang magpaturo sa atin ng Ingles.

Ingles ang kadalasang wika ng ating mass media, ng pakikipagkalakalan at maging sa pampulitikal na interaksyon. Ang lingua franca ng mga asignatura, lalung-lalo na ng sa Agham at Matematika ay English. Hindi ko nga lubos maisip kung ang mga libro ng mga medicine students ay nakalimbag sa wikang Tagalog o ang mga terminolohiya sa pag-aaral ko ng batas ay purong nakasulat sa wikang Cebuano!

Noong taong 2003, inilabas ng dating Pangulong Gloria Arroyo ang E.O. 210 na naglalayong palakasin ang English bilang 2nd language ng Pilipino. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit noong mga nagdaang taon, isinulong ng isang mambabatas ang pagtatag sa Ingles bilang tanging medium of instruction. Ayon sa “English bill” na inakda ni Rep. Eduardo Gullas; mali ang ating sistema ng edukasyon at ito raw ay nangangailangan ng wikang dinamiko tulad ng Ingles.

Maaring tama siya sa pagsabing ang Ingles ay mas static kumpara sa ibang wika kagaya ng Filipino o ng mga dayalekto. Nguni’t parang naging masyado yata tayo’ng nagmamadali para sa globalisasyon kahit na hindi naman angkop ang sistema ng ating edukasyon para dito. Masasabi nating mahusay ang sistema ng edukasyon noon,pero ngayon, ‘di na sing-galing.

Upang mas maiging maintindihan ang ibig kong sabihin, tingnan natin ang istatistikang nakalap tungkol sa ating sistema ng edukasyon:

Ayon sa National Statistical Coordination Board (NSCB), sa taong 2006-2007, ang bilang ng dropout ay tumaas mula 8.6 hanggang 9 porsiyento – malayo sa kanilang target na mabawasan ito ng 5.5% at 2009 target na 4.3%. Sa katunayan, nitong Hunyo lamang, 23 milyon na batang Pinoy ang nagbalik-eskwela nguni’t inaasahan na bago magtapos ang taon, dalawang milyon nito ang da-dropout.

ADVERTISEMENT:


Why Shop at Lazada?
1. Cash on Delivery 2. Free Shipping 3. No-Sign Ups needed 4. Express Delivery 5. Free & Easy Returns


Free Lazada Offer for Today:


Sa bawat 100 na kabataang pumapasok ng Grade 1, 65 lamang ang aabot ng Grade 6. Labing-walo (18) sa mga dropouts sa elementary ay nasa pagitan ng Grade 1 at 2. Ang ibig sabihin, isa sa tatlong mag-aaral sa elementary ang humihinto sa pag-aaral. Ang net enrollment ratio mula ng taong 2003 hanggang 2007 ay pababa ng pababa, mula sa 90.3% naging 83.2% na lamang.

Ayon sa National Education Support Strategy ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organisation (UNESCO), lubhang nakakabahala na mababang kalidad ng edukasyon sa elementarya sa Pilipinas base sa achievement rates. Dalawampu’t anim na porsiyento (26%) lamang ng mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ang may mastery of English (ang mastery ay nangangahulugang 75% o higit pa ang marking nakuha). Tatlungpu’t isa (31%) ang may mastery of Mathematics at 15% naman ang sa Agham. Ganun rin ang isinasaad ng istatistika sa High School: 7% na kahusayan sa Ingles; 16% sa Matematika, at 2% sa Agham.

Magpahanggang sa kolehiyo hindi pa rin kasiya-siya ang mga istatistika sa kalidad ng ating edukasyon; 2-7% lamang ng mga college graduates na nagnais makapasok sa mga call center ang mayroong kahusayan sa Ingles. At kahit na matanggap pa, kinakailangan pa rin nilang magsanay sa loob ng tatlong buwan para maging mahusay sa pagsasalita ng wikang Ingles. Mababa pa sa 20% ng kabuuang populasyon natin ang may kakayanang makipag-usap sa purong wikang Ingles.

Ayon kay G. Ricardo Nolasco ng Linguistics Department ng Unibersidad ng Pilipinas, ang numero unong dahilan ng malaking dropout rates sa elementarya ay ang hindi pagkakaintindi ng mga mag-aaral sa kanilang mga guro. Sa cognitive aspect ng mental development ng mga bata, mas nagiging pahirap ang pag-aaral gamit ang wikang Ingles. Halimbawa, ang isang estudyante sa Maynila na malamang ay pinalaki sa wikang Tagalog, ay siguradong malilito sa pag-aaral gamit ang wikang Ingles. Lalo itong naging mas mahirap sa batang hindi-Tagalog ang unang lenggwahe; mahirap pagsabayin ang Filipino at Ingles ng estudyante kung rehiyonal na dayalekto (tulad ng Cebuano, Hiligaynon, Maranao, o iba pa) ang ikinalakihan niya sa bahay

Ang kadalasang naging paniniwala natin sa paggamit ng salitang banyaga ay ang pag-aakalang ang tagal ng paggamit nito sa mga paaralan ay lubusang nakakatulong sa katalinuhan at kahusayan ng isang bata sa paaralan. Nguni’t sa kasalukuyan, ating masasabi na hindi naging epektibo ang Ingles bilang medium of instruction dahil sa isang simpleng rason – hindi ito ang natural na wika ng isang mag-aaral.

Ang ating mga guro sa Ingles ay hindi native English-speakers kung kaya’t hindi natin nalalasap ang pangkasaysayang lalim na kaakibat ng wikang ito. Hindi na ito dapat pagtakahan pa sa isang bansa na ayon pa sa National Commission for Culture and the Arts, ay may 78 grupo ng lenggwahe at 500 na dayalekto. Ayon kay Dr. Jovy Peregrino, ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas; ni hindi nga tayo nakapagbuo ng mga komunidad na nagsasalita lamang ng purong Ingles.

Sinasabing ang wika ay isang behikulo ng kaisipan, ito ang daan patungo sa puso ng isang tao, at pinakaimportante dito, ito ang kasasalaminan ng kultura at karanasan ng isang lahi. Ako ay naniniwala na lubhang mas epektibo ang paggamit ng dayalekto kasabay ng wikang pambansa sa pagtuturo sa mababang baitang sa elementarya.

Noong nakaraang taon lamang inaprobahan ang aktuwal na paggamit ng Multilingual Education (MLE) sa buong bansa sa bisa ng Department Order #74 ng DepEd ngunit matagal na itong ginagamit ng mga taga-Lubuagan sa probinsiya ng Kalinga. Sa nagdaang sampung taon, ang 4th class municipality ng Lubuagan ang naging modelo ng bansa pagdating sa Multi-lingual Education. Dalawang dekada na ang nakakaraan, sila ay napabilang sa Top 10 non-performing schools sa buong Pilipinas.

Wikang Libuagen (isang variety ng Kalingan dialect) lamang ang ginagamit sa Lubuagan Elementary School mula Grade 1 hanggang 3 kung kaya’t mas naging madali ang pag-intindi ng mga aralin kagaya ng Matematika, Agham, pati na ang pag-aaral ng Filipino at ng Ingles. Sa dalawang dekada na paggamit ng vernacular; mayroong zero drop rate ang paaralan. Noong 2006, ang Lubuagan district ang nagtamo ng pinakamataas na marka sa National Achievement Test sa Grade 3 reading test sa Ingles at Filipino sa mean score na 76.55% at 76.45%. Hindi rin nahihirapan ang mga guro sa pagtuturo kung kaya’t sila’y nahirang na “Best School for Kalinga” at “Model of Multilingual Education in the Philippines”.

Ang mga resulta ng mga pag-aaral ay mas maliwanag pa sa sikat ng araw: para matamo ang kahusayan ng mag-aaral sa Ingles o Filipino, and pinakaepektibong paraan ng pagtuturo ay ang unang wika na natutunan ng bata. Kung nakaya nga ng mga bansang Pransya, Alemanya, Tsina, Hapon, at iba pa, na gamitin ang kanilang sariling wika sa mga paaralan, siguradong magagawa rin natin ito sa PIlipinas. ‘Di man sila ganoon kagaling sa Inglesan, mas malalim naman ang kanilang pagkakaintindi sa mundong nakapaligid sa kanila.

Totoo nga’t mahalaga ang wikang Ingles, nguni’t mas mahalaga pa rin ang talino at kakayahan. Bagama’t importante ang laman at sustansiya ng pagtuturo, lubhang napakaimportante ring malaman kung papaano ihahain at kakainin ito nang siguradong mabusog ang kaisipan ng ating mga kabataan.

Ang transisyon mula sa dayalekto hanggang sa opisyal na wika ay dapat na marahan at gamitin sa mataas na antas ng elementarya lamang. Kung sa bagay, ang tanging layunin nga naman talaga ng edukasyon ay para matuto ang isang mag-aaral. Ano ang silbi ng libro kung ‘di naman ito naiintindihan? Walang silbi ang isang lipon ng salita kung hindi naman ito nauunawaan.

Maraming dapat baguhin sa educational system natin at isa na rito ang lubusang pagpapatupad ng paggamit ng dayalekto sa pagtuturo sa elementarya. Masarap sigurong gumawa ng mga batas o reporma sa ating edukasyon balang araw; pero sa ngayon, dahil ako ay isang estudyante – pagbubutihan ko na lang muna ang aking pag-aaral.
 
-----------------------------------------
Author's Note:
Ang artikulong ito ay nailathala na sa "Banwag", Schoolpaper ng Saint Michael's College of Iligan City. Tagalog-Cotabato ang wikang kinalakihan ko kung kaya’t ang artikulo ay nakasulat sa wikang Filipino.

Comments

  1. Meron akong kakilala na magaling mag ingles pero hindi masyadong marunong mag tagalog

    Nakaka hiya na ang ating sariling wika ay hindi natin pinag yaman sa halip ang lingwahe nang dayuhan ang ating pinagyaman sa ating kultura.

    Tingnan ninyo ang Japan, South Korea, China at iba na gumagamit nang kanilang sariling wika sa paaralan, ang kanilang studyante ay napaka husay dahil walang hadlang sa lingwahe o language barrier.

    ReplyDelete
  2. Time for radical change!

    ReplyDelete
  3. Dapat nating tanggalin lahat nang bahid nang pagiging maka americano natin dahil ang mundo natin ngayon ay ibang iba na

    panuorin mo to sa youtube

    http://www.youtube.com/watch?v=U2KetwK1_Ek

    http://www.youtube.com/watch?v=y9vR1Hv3jy8

    ang mundo natin ngayon ay nagbabago dapat tayong mag adopt sa mga pagbabagong nang yayari sa buong mundo

    ReplyDelete
  4. ito pa

    http://www.youtube.com/watch?v=j78l9Q6MYfw&feature=related

    ReplyDelete
  5. kung nasa pilipinas dapat magsalita ng kung anong lenguahe.....pa sosyal sosyal ang iba..pa english english pa.....pok pok naman pala,hehe..

    ReplyDelete
  6. Oo nga, Arvin. Wala namang superior na wika eh. Pare-pareho lang naman lahat. Nagkataon lamang na mas madami at malawak ang naabot ng Ingles; pero hindi nangangahulugang wala nang silbi ang Wikang Filipino o rehiyunal man. :)

    ReplyDelete
  7. ... Sa tinggin ko po importante din para sating mga pilipino matutunan ang lengwaheng ito lalo na po sa panahong ngaun na mamang ang tinggin sa mga ndi marunong mag ingles ... saka po magagamit din nmn ntin ito sa pang araw araw nting pamumuhay ...

    ReplyDelete
  8. kailangan lahat ng pilipino ay fluent sa english language dahil ang ito ang universal language.kahit saan ka mapunta if u are fluent in english a big plus for u especially sa work.upang maging fluent sa isang linguahe kailangan ang exposure or actual na pagsasalita nito sa araw-araw.sabi nga nila mas madaling matuto sa isang linguahe ang bata.ang pagnanais na maging fluent sa english ay di nangangahulugang ayaw na natin sa wikang filipino o tagalog.ang wikang filipino ay di na natin kailangang gamitin sa school dahil fluent na tau nito.sa paaralan lang tau magkakaroon ng pagkakataong maipraktis at maexpose sa english speaking environment dahil sa bahay hindi natin ito ginagamit.pabor talaga ako dito sa panukalang gawing english ang medium of instruction ang english dhil malaking plus ito sa mga kabataan.maraming against dito sa english medium of instruction pero kapag naririnig nila ang kanilang anak na fluent magsalita ng english alam ko magyayabang ang mga yan.wag tayong mag-alala dahil ang salitang filipino ay never nating makalimutan yan dahil sa school lang naman ipapatupad ang pagsasalita ng salitang english...kaya pumabor na kau kng naiintindihan nyo ang punto ko.naghahanap ako ngaun ng elementary school na english ang medium na ginagamit sa school.itatransfer ko ang anak ko don.saang school ba na english ang medium of instruction ang gamit?

    ReplyDelete

Post a Comment

After commenting, please subscribe by adding your e-mail to receive free updates from this weblog. Thank you.